Naaalala ko, natuto akong magbasa sa Filipino dahil sa komiks. Itinatakas ko noon ang pagbabasa ng mga Wakasan ni Lola. Ipinagbabawal kasi ito ng aking Ama. Ika niya, wala raw buting idudulot ang pagbabasa nito sa akin. Maaaring may tama siya. Paano naman kasi masyadong torrid maghalikan ang mga bida sa mga Wakasang kuwento sa komiks. At mantakin mo, pagkatapos magbasa, kulay uling na ang bawat himulmol ng iyong mga daliri. Kaya walang lihim na di nabubunyag dahil obvious na obvious ang ebidensiya ng aking pagkakasala kay Ama. Buti na lang at hindi siya namamalo.
Pero ang aking Ina, ever supportive. Binibilhan pa kaming magkapatid ng Funny Komiks at nakaulayaw namin si Let-Let (tama ba ako?) At lalong nahasa ang aking pagbabasa sa wikang Filipino. Salamat sa mga komiks galing kay Ina, nanalo ang aking sanaysay dahil maayos ang pagkakabuod ko ng aking mga kaisipan para maiparating ang kahalagahan ng ating sariling wika.
Ngunit sa panahong ito, napansin kong wala nang mga batang nagbabasa ng mga Pinoy komiks. Karamihan ng mga kabataan, ang hawak ay Candy Magazine, Witch, Archie, Peanuts, Spiderman at ang masama pa ay kung komiks na pornograpiya pa ang kinahumalingan ng ating mga nawawalan ng direksiyong kabataan. Ang komiks ay pinalitan ng mga makabagong teknolohiya kagaya ng mga larong Pinoy na unti-unting namamatay sa sarili nilang bansa.
Nakakalungkot mang isipin, ang sining na ito ay ginugupo na at maaaring di na masilayan ng mga lahing parating pa lamang. Ang ating mga magagaling na animators ay sumisikat sa labas ng bansa kung saan ang kanilang husay at talento ay pinapakinabangan at pinagkakakitaan ng mga dayuhan.
Komiks... salamat at naranasan kong madungisan ng iyong nangingitim na tinta. Salamat at tinuruan mo akong magbasa. Higit sa lahat, salamat at iminulat mo ako sa pagmamahal at pagpapahalaga ko sa aking sariling wika.
Ikaw? Pinoy Komikera ka rin ba? |